Ito ang sinabi ni PISTON President Medardo Roda makaraang ihayag ng Department of Energy na posibleng magkaroon na naman ng oil price increase dahil sa pagtaas ng halaga sa world market.
Binigyang diin ni Roda na maaari din silang magsampa ng petisyon sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para sa dagdag na singil sa pasahe sakaling magkaroon ng oil price increase.
Ayon dito, hindi na talaga makakayang i-absorb pa ang panibagong pagtaas sa presyo ng gasolina dahil sa hindi naman sila nagtataas ng singil sa pasahe kahit na maka-ilang beses ng nagtaas ng halaga ng gasolina kamakailan.
Batay umano sa napagkasunduan hg grupo, hindi sila hihirit ng fare increase kung hindi aabot sa P2 ang dagdag sa presyo ng krudo simula noong Marso 20 o hanggat hindi aabutin ng P15.00 ang presyo ng krudo bawat litro.
Pero kung hihigit dito ang magiging dagdag sa presyo ng krudo, mapipilitan silang gawin ang nararapat para sa kapakanan ng maliliit na driver sa bansa.
Samantala, bubusisiin namang mabuti ng Department of Energy kung mayroon magandang dahilan sa pagtataas ng presyo ng liquefied petroleum gasoline o LPG pagkaraan ng isa at kalahating taong pananatili ng presyo nito sa lokal na pamilihan.
Ito ang inihayag ni Energy Secretary Vicente Perez kasabay ng pagkumpirma na nagtaas na nga ng presyo ng LPG ang Pilipinas Shell sa halagang P0.80 bawat kilogram o P8.80 sa bawat 11kg na tangke ng LPG. Ang Caltex anya ay sinasabing susunod na ring magtataas ng presyo.
Ayon kay Perez, ikinatuwiran ng Shell na napaso na nang matagal ang pagbili ng LPG sa dating presyo kung kayat kailangan na nilang magtaas ng presyo ng produkto. (Ulat nina Angie dela Cruz at Lilia Tolentino)