Bayani Fernando bubuhusan din ng gasolina ng vendors

Lalong lumakas ang loob ng mga illegal na sidewalk vendors na lumaban kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando at ang kanilang ganti ay bubuhusan din nila ito ng gas matapos silang makahanap ng kakampi nang tumutol si Iloilo Congressman Augusto "Boboy" Syjuco na umano’y mala-Hitler na hakbangin ng naturang opisyal.

Nabatid sa grupo ng mga vendor na bubuhusan din nila ng gas si Fernando at ang mga tauhan nito bilang ganti sa umano’y hindi maka-taong hakbangin nito.

Ang reaksyon ng mga vendor ay may kaugnayan hinggil sa plano ni Fernando na buhusan ng gas ang lahat ng mga panindang makukumpiska mula sa mga mahuhuling illegal na sidewalk vendor sa layuning maibsan ang traffic obstruction at isa sa pangunahing problema ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Samantala ay isang grupo rin ng mga vendors ang handang sumuporta sa hakbangin ni Fernando na kamakailan lamang ay nanumpa sa kanilang tungkulin.

Sinabi ni Amy de Belen, nahalal na pangulo ng Nagkakaisang Manininda ng New Antipolo, Inc. (NAMANA) na mayroong karapatan si Fernando na gawin ang anumang paraan na naisin nito lalo’t ito ay naaayon sa batas.

Binanggit pa ni de Belen na sa halip na makipagmatigasan ang mga vendors lalo’t ilegal ay dapat na maghanap ang mga ito ng solusyon kung paano makakatulong sa lumalalang suliranin ng trapiko at pagbaha sa lungsod.

Kasalukuyan na ring ipinatutupad ng NAMANA ang paghuhulog ng SSS at PhilHealth ng mga miyembro nito. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Andi Garcia)

Show comments