1 patay, 1 kritikal sa onsehan sa droga

Isang tricycle driver ang nasawi, habang nasa malubha namang kalagayan ang umano’y kasintahan nito makaraang barilin at pagsasaksakin sila ng pinaniniwalaang mga drug dealers, kamakalawa ng gabi sa Payatas, Quezon City.

Nakilala ang nasawi na si Melchor Lipa, 23. Ito ay nagtamo ng maraming saksak at tama ng bala ng baril sa katawan at namatay noon din, samantalang ang umano’y kanyang kasintahan na nakilalang si Dolores Dadis, 34, ay nasa kritikal na kondisyon sa East Avenue Medical Center.

Ayon sa ulat ng pulisya, inambus ang dalawa ng dalawang suspect na nakilala lamang sa alyas na Inok at Allan dahil sa umano’y onsehan sa droga.

Base sa ulat, lulan ang magkasintahan sa tricycle na minamaneho ni Lipa para umano makipagkita sa isang nagngangalang "Gino", na isa ring pusher na karibal ng mga suspect sa negosyo.

Matapos makipag-transaksyon kay Gino ay inabangan na ang dalawang biktima ng mga suspect at saka pinagbabaril at pinagsasaksak.

Sinabi ng pulisya na posibleng nagalit ang mga suspect dahil sa pakikipagtransaksyon ng dalawa sa iba. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments