Anak ng Malabon mayor nanggulpi ng police major

Nahaharap ngayon sa kaso ang anak ni Malabon Mayor Amado "Boy" Vicencio at ang kaibigan nitong Intsik matapos na umano’y bugbugin ang isang mataas na opisyal ng pulisya dahil lamang sa hinalang tinitingnan sila ng masama ng huli, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Pormal na nagtungo sa himpilan ng pulisya upang magharap ng kaukulang kaso si Chief Insp. Ricardo Tidelino, 42, nakatalaga sa Batangas PNP laban kina Ariel Vicencio at ang kaibigan nitong si Michael Yap.

Ayon kay Tidelino, pagitan ng alas- 4 hanggang alas-4:30 ng madaling araw habang siya ay nakatayo sa may Ceasar Disco na nasa Caimito Road nang biglang dumating ang isang kotseng kulay itim na kinalululanan nina Vicencio at Yap.

Hindi umano sinasadyang napatingin ang pulis, hanggang sa sinita na siya ni Vicencio kung bakit masama umano ang tingin niya.

Bumaba pa umano ng sasakyan ang dalawa at walang kaabug-abog ay pinagtulungan siyang suntukin ng mga ito.

Bagamat napaawat ang dalawa noong una, ay rumesbak pa ang mga ito na may kasama pang mga armadong tauhan. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments