Mayor Tsong initsapuwera ng pamilya Aquino sa anibersaryo ni Ninoy

Kanselado ang protocol sa ika-19 na death anniversary ni Senator Benigno Aquino sa Manila Memorial Park sa Parañaque City ngayon kung kaya’t itsapuwera na si Mayor Joey Marquez.

Ito ay matapos na ideklarang pribadong okasyon ang isasagawa sa paggunita sa kamatayan ng dating senador.

Kinumpirma ni Press Secretary Ignacio Bunye na dadalo si Pangulong Gloria Macapagal- Arroyo bilang special guest ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Ipinaliwanag ni Bunye na pribado itong okasyon at kanselado ang protocol kung kaya’t hindi na kailangang sumalubong pa ni Marquez sa pagdating ng Pangulo bilang alkalde sa lungsod.

Magugunitang napaulat na kumukulo ang dugo ni dating Pangulong Cory kay Joey Marquez dahil sa pakikipagrelasyon nito sa kanyang bunsong anak. Napabalita ring sasalubong ang Mayor kay Pangulong Arroyo sa pagtungo nito sa Manila Memorial Park sa lungsod na pinamumunuan ni Joey at doon ay magtatagpo sila ng pamilya Aquino.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Tarlac Rep. Benigno "Noynoy" Aquino III na hindi ‘welcome’ si Marquez na dumalo sa gagawing paggunita sa ika-19 na anibersaryo ng kamatayan ng kanyang ama. (Ulat nina Ely Saludar at Malou Escudero)

Show comments