Inaresto ng magkasanib na puwersa ng WPD-Station 2 ang mga suspect na sina PO1 Vernel Roxas, 27; Wilfredo Perez, 46, physical therapist; Jun Tan, 31, driver; Loreto Convenie, 43; Rommel Merando, 25; John Mark Maaba; Rolando Raymundo at Rolando Santos.
Nabatid na ang mga suspect ay bigla na lamang dumating sa video shop ng biktimang si Bienvenido Borja, 32, ng 974 Bilbao St. ng nasabing lugar kung saan nagpakilala ang tatlo na mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation Division (CID).
Binanggit umano ni Roxas kay Borja na mayroon silang operasyon sa ilegal na negosyo ng huli na nagpapaarkila ng mga video games.
Itinanggi naman ito ni Borja, kasabay nang pagpapaliwanag at pagpapakita sa mga suspect ng lisensiya ng kanyang negosyo na nagpapatunay na legal ang operasyon nito.
Subalit hindi umano siya pinakinggan ni Roxas at ang ginawa ay tinawag ang iba pa nitong kasamahan at saka binuhat at isinakay sa isang jeep ang mga video machine ni Borja.
Mabilis na nagsumbong sa pulisya ang biktima at isinagawa ang operasyon laban sa nadakip na mga suspect.
Binanggit pa sa ulat na kinukulimbat ng mga suspect ang perang laman ng video machines at pagkatapos ay saka naman ito ibebenta sa iba. (Ulat ni Grace dela Cruz)