Ayon kay Bayan Muna Rep. Liza Maza, dapat muling pag-aralan ang batas na nag-alis sa mandatory training ng ROTC at amyendahan ang National Service Training Program (NSTP) na ipinasa ng Kongreso matapos paslangin si ROTC cadet Mark Chua ng UST.
Ginawa ni Maza ang pahayag matapos lumantad ang apat na babaeng cadette sa Lyceum na nakaranas ng pangmomolestiya sa isang junior officer ng ROTC.
Ayon sa mga biktima na pawang mga 17 taong gulang, pinaghihipuan sila ng kanilang ROTC officer sa maseselang bahagi ng katawan tuwing mayroon silang training.
Dapat aniyang masusing imbestigahan ang nasabing insidente at iba pang katulad na insidente sa ibang unibersidad.
Sinabi pa ni Maza na napipilitan ang mga babaeng cadette na pumasok sa ROTC dahil karamihan sa mga unibersidad ay Community Welfare Service (CWS).
Nakasaad sa NSTP na maaaring makapamili ang lahat ng freshmen sa ROTC at CWS, depende sa availability ng slots sa bawat programa. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)