Ayon kay Marikina City Chief of Police Supt. Leonardo Espina ang biktima na nakilala sa pamamagitan ng nakuha ditong ID na si Vincent Fulgar, 51, ng 22 Chantity Villas, Busilan St., Mandaluyong City.
Inihayag ng opisyal na kasalukuyan pa rin nilang iniimbestigahan kung ang pagpaslang sa biktima ay may kinalaman sa trabaho nito bilang confidential agent ng NBI dahil na rin sa mga sensitibong kasong kriminal na pina-follow-up nito.
Nabatid na ang bangkay ng biktima ay natagpuan dakong alas-6:20 ng umaga sa kahabaan ng Daang Kalabaw patungong Sitio Bayong, Tumana, Concepcion Uno ng nabanggit na lungsod.
Ang bangkay ng biktima ay natagpuang nakadapa, nakasuot ng maong pants, kulay puting t-shirt at itim na sapatos. Halos sariwa pa rin ang umaagos ditong dugo buhat sa malalim na pukpok nito sa ulo.
Ayon pa sa mga imbestigador, posibleng ang pagpaslang sa biktima ay may kinalaman sa kasong hinahawakan nito sa bureau at nabatid na hinalughog pa ng hindi nakikilalang salarin ang tahanan nito sa Mandaluyong City.
Nagkalat ang dugo sa sahig ng bahay subalit walang nakitang bangkay. Nabatid na bago ang pagpaslang nakatanggap na ng maraming death threats ang biktima buhat sa sindikatong kanyang nasagasaan. (Ulat ni Joy Cantos)