Ito ay matapos na ibasura ng DOJ ang kasong isinampa ng isang lady reporter ng PBS-Radyo ng Bayan laban sa basketbolista dahilan sa kawalan ng basehan para sa mga akusasyon nito.
Batay sa desisyon ni DOJ State Prosecutor Mary Josephine Lazaro, kumbinsido itong walang naganap na panghahalay at pang-aabuso sa lady reporter.
Lumalabas sa naging pag-aaral ng DOJ sa kaso na kusang-loob na nagpupunta ang naturang reporter sa condominium na tinutuluyan ng PBA cager sa Platinum 2000 sa Greenhills, San Juan at malinaw din na walang puwersahang naganap sa naging pagtatalik ng dalawa dahil hindi lamang ito isang beses nangyari.
Iginiit pa ni Lazaro na hindi karaniwan para sa isang babaeng umiiwas na maulit ang isang hindi magandang pangyayari ang bumalik pa sa pinangyarihan nito tulad ng pagpapabalik-balik ng reporter sa condominium ni Harp.
Nilinaw din ng piskal na malabong kay Harp nanggaling ang sakit na gonorrhea na inirereklamo ng biktima dahil lumitaw na nagtalik sila ng basketbolista noong Setyembre 20, 2001 at noong Oktubre 17, 2001 ay saka lamang lumabas na positibo ang babae sa nasabing sakit.
Batay sa testimonya ni Dr. Carlos Haplasca ay malinaw na ang naturang sakit ay maaari lamang lumitaw sa pamamagitan ng pagbilang ng buwan at hindi ng ilang araw lamang. (Ulat ni Gemma Amargo)