Kahapon, bagamat naisalang ang naturang kaso sa sala ni QC Metropolitan Trial Court Judge Evangeline Castillo ng Branch 45, ipinagpaliban na naman ang pagdinig sa kaso sa darating na Setyembre 20 dahil na rin sa ilang argumento.
Nagpalabas kahapon ng mosyon ang panig ng prosecution para mailipat ang pagdinig sa kasong ito sa Family Court dahil isa sa mga complainant ay menor-de-edad.
Ginawa nilang argumento na kailangan sa Family Court madinig ang usapin kung ang complainant ay wala pa sa tamang edad. Ang Family Court cases umano ay hawak din ng Regional Trial Court (RTC).
Kaugnay nito, binigyan naman kahapon ng palugit na isang linggo ni Judge Castillo ang panig ng depensa para naman magsumite ng kanilang reaksyon sa transfer of court issue.
Ito ang siyang pagtutuunan ng pansin sa gaganaping pagdinig sa darating na Setyembre 20.
Magugunitang ang malagim na trahedya ay naganap noong nakalipas na Agosto 18 ng nagdaang taon na dito nalitson ang may 75 katao pawang miyembro ng isang religious group na nag-check in sa naturang hotel para dumalo sa isang religious gathering kinabukasan.
Pangunahing kinasuhan sa kasong paglabag sa QC revenue code tulad ng kawalan ng mayors permit at hindi pagbabayad ng buwis ang may-ari ng Manor Hotel na sina William at Rebecca Genato, Porfirio Germina, Marion Fernandez, Dionisio Cua Arengino at Antonio Beltran. (Utak ni Angie dela Cruz)