Kinilala ang nasawi na si SFO2 Eduardo Antonio, Chief Investigator ng San Juan Fire Department habang inoobserbahan naman sa hindi pa batid na pagamutan ang sugatan na si FO2 Felipe Leones.
Napag-alaman na unang rumesponde sa sunog si Antonio ngunit sa isang hindi inaasahang pangyayari at kakapalan ng usok ay nasagasaan si Antonio na agad din nitong ikinamatay.
Isang malaking kahoy mula sa nasusunog na tanggapan naman ang bumagsak sa ulo ni Leones na naging sanhi ng pagkawala ng malay nito at malaking sugat sa ulo.
Nabatid sa ulat na naganap ang sunog dakong alas-12:25 ng madaling araw sa tanggapan ng Balikatan Kaunlaran Foundation, isang livelihood center na pinamamahalaan ni Gomez na siya ring ina ni San Juan Mayor Joseph Victor Ejercito na nasa 170 Brgy. Addition Hills, San Juan.
Isang security guard na nakilalang Rolando Elcas ang nakasaksi ng pagsiklab ng apoy na mabilis na kumalat at tumupok sa mga pang-export na Christmas decor at manika na produkto ng nasabing livelihood center.
Sinabi ni SFO1 Domingo Cabug na naging mabilis ang pagkalat ng apoy bunga ng pagkakadamay ng pinturang ginagamit sa mga Christmas decor at manika. Dakong alas-2:20 ng madaling araw ng tuluyang maapula ang apoy. Napag-alaman din kay Cabug na patuloy na iniimbestigahan ang tunay na dahilan ng sunog.(Ulat ni Danilo Garcia)