Opisyal ng Customs patay sa ambush

Inambus at napatay ng hindi nakikilalang mga armadong kalalakihan ang isang opisyal ng Bureau of Customs kahapon ng madaling araw sa harap mismo ng tinitirhan nitong condominium sa Makati City.

Namatay noon din ang biktimang nakilalang si Eduardo Nuñez, 45, ng 2002 Earthrise Condominium na matatagpuan sa J. Javier St., Barangay Pio del Pilar ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis namang tumakas ang mga suspect matapos ang isinagawang pananambang.

Base sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng pulisya, dakong alas- 3 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa tinitirhang condominium ng biktima nang bigla itong lapitan at pagbabarilin ng mga suspect.

Tinitingnan ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa trabaho ng biktima na siyang maaaring motibo sa naganap na krimen. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments