Sa isang panayam, sinabi ni Lanot na magsasampa siya ng kasong kriminal, civil at administratibo sa Phil. Regulatory Commission (PRC) laban kay Dr. Raul Fores upang matanggalan ito ng lisensiya.
Kinumpirma naman ni Atty. Jose Buenagua, chief of staff ni Lanot na inihahanda na nila ang kakailanganing papeles sa pagsasampa ng kaso at kung magkano ang hihinging damage sa isasampang kasong sibil laban sa MMC at kay Dr. Fores.
Magugunitang napaulat ang muntik nang pagkamatay ni Lanot matapos na sumailalim ito sa laser surgery sa nabanggit na pagamutan.
Sumailalim sa laser surgery sa gall bladder stone ang kongresista subalit matapos ang operasyon ay biglang lumaki ang tiyan nito at nagsuka ng dugo, ito ay dahil umano sa tinamaan at nabutas ang kanyang bituka.
Ilang araw umanong nag-50/50 ang buhay ni Lanot hanggang sa tuluyan siyang operahan para retokihin ang nasira niyang bituka.
Hindi rin umano siya siningil ng halagang P200,000 sa ikalawang operasyon, katunayan na inamin at inako ng pagamutan ang kanilang kapabayaan sa unang operasyon.
Sinikap naman ng pahayagang ito na makuha ang panig ni Dr. Fores subalit ayon sa staff nito ay kasalukuyan itong nagsasagawa ng operasyon. (Ulat nina Malou Rongalerios-Escudero at Lordeth Bonilla)