Iprinisinta kahapon sa mamamahayag nina NBI Director Reynaldo Wycoco, Customs Commissioner Antonio Bernardo at Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang suspek na si Goswil Emenike, binata, ng Queens Road, Proj. 8, Quezon City at physical therapy student ng St. Jude College.
Nabatid mula sa Intelligence report na noong Hulyo 19, 2002, isang UPS express parcel o tinatawag na overnight bag ang nasamsam ng US Customs sa Miami Florida International Airport na naglalaman ng 700 gramo ng high grade cocaine na nagkakahalaga ng P7 milyon.
Ang nasabing parcel ay nagmula umano sa isang nangangalang Maria Nilsa Claure ng Temporal S/N, Cochahamba, Bolivia at ipapadala naman kay Jorge Nmadu at naka-care-off sa isang alyas Willy na palayaw ng suspek.
Agad na tinungo ng NBI ang nasabing lugar at napag-alaman na ito ay inookupahan ng suspek.
Noong Lunes ng gabi nang arestuhin ng mga awtoridad ang suspek na tumanggi pang magpakilala at sinabing iaabot lamang niya ang bag na naglalaman ng cocaine kay Jorge.
Nakuha sa suspek ang dalawang pasaporte na may pangalang Goswill Emenike at Albert Ngwenya.
Ang suspek na nakadetine sa NBI ay sinampahan ng kasong R.A. 9165 o New Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Ulat nina Grace A. dela Cruz/ Jocelyn Garcia/Fatima del Valle, Rastani C. Fontejon)