Sa panayam kay Benjamin Caro, 72, may-ari ng MVC Pawnshop sa #1107 Gen. San Miguel, Sangandaan, Brgy. Uno, Caloocan City, na hindi umano totoo ang naturang report. Ito ay taliwas sa naging pahayag ng ilan sa kanyang mga kapitbahay at saksi na nakapanayam nang mangyari ang insidente.
"Malinis ang pangalan namin at dalawang araw pa lamang sa amin ang katulong na yon, ninakawan pa nga kami ng alahas at pera na nagkakahalaga ng halos P2 milyon," pahayag pa ni Caro.
Sinabi pa ni Caro na hindi niya alam ang tunay na pangalan ng katulong at ang iba pang personal na detalye ng pagkatao nito dahil nakapasok umano ito sa kanila at nanilbihan sa pamamagitan lamang ng "sign board" na nagsasaad ng "Wanted housemaid" na kanilang inilagay sa labas ng kanilang bahay.
Ayon pa sa pamilya, ang nawawalang pera at alahas ay nakasilid sa bag sa loob ng kanilang kuwarto bagamat hindi naman umano nabuksan ng katulong ang kanilang safety vault.
Napag-alaman na wala ang pamilya sa bahay nang mangyari ang sunog at bumalik lamang ito kinaumagahan nang mabalitaan ang insidente. (Ulat ni Rose Tamayo)