Helper tinodas ng mag-ama dahil sa pag-ihi

Dahil sa pag-ihi sa harap ng kanilang tirahan, pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng galit na galit na mag-ama ang isang truck helper kamakalawa ng gabi sa Novaliches, Quezon City.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Bernardino Hospital ang biktimang si Charlie Quinto, 32, may-asawa at nakatira sa #131 Magsaysay Ave. Ext., Doña Faustino Subd., Brgy. San Bartolome, Novaliches bunga ng tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Pinaghahanap ng awtoridad ang mag-amang suspect na kinilalang sina Roberto Romero, Sr. at Roberto Romero Jr. ng nasabing lugar.

Sa isinagawang pagsisiyasat ni PO1 Greg Maramog, may hawak ng kaso, dakong alas-7:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng biktima.

Nauna rito, nakikipag-inuman ang biktima sa ibang kaibigan nito sa harap ng kanilang bahay at nag-iinuman din ang mag-amang suspect sa loob ng kanilang bahay nang hinihingi ng pagkakataon na makaramdam ang una na maihi.

Dahil dito, umihi siya sa tapat ng bahay ng mga suspect na labis na ikinagalit ng mag-ama.

Agad na kinompronta ang biktima ng mga suspect hanggang sa mauwi sa pagtatalo.

Dahil dito, mabilis na pinagsasaksak ng mga suspect ang biktima at nang makatiyak na napuruhan ito ay mabilis silang tumakas. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments