Ito ang sinabi ni DOJ Chief State Prosecutor at WPP Vice-Chairman Jovencito Zuño at itoy dahil na rin sa ginawang pagbaligtad sa kanyang naunang testimonya.
Sinabi ni Zuño na wala nang magtitiwala kay Medel sa ngayon matapos ang ginawa nitong pagbawi sa kanyang naunang testimonya kung saan ay idinadawit niya si Rod Strunk, mister ng yumaong aktres.
"Malabo na si Medel dahil wala nang magtitiwala sa kanya matapos ang kanyang ginawang pagbaligtad noon sa pagpatay kay Nida Blanca," ani Zuño.
Inamin noon ni Medel na siya ang pumatay kay Blanca at ang itinuturong utak ay si Strunk. Subalit binawi niya ito sa isinagawang preliminary investigation (PI) sa DOJ sa pagsasabing dinukot at pinahirapan lamang siya ng mga tauhan ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Director Nestorio Gualberto kayat napilitan niyang aminin ang naturang krimen.
Iginiit ni Zuño na ang bigat ng partisipasyon sa isang krimen ang lagi nilang tinitingnan bago payagang pumasok bilang state witness ang isang akusado.
Base sa Rule 119 Section 17D ng Rules on Civil Procedure, ang tinatanggap lamang bilang isang state witness ay iyong mga akusadong hindi masyadong mabigat ang partisipasyon sa isang krimen.
Aniya, ang panibagong pagdidiin sa kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Medel ay isang mabigat na hadlang para sa kuwalipikasyon ni Medel sa WPP.
Kung mismo aniyang ang panel ng DOJ prosecutors ang makakakita ng bigat ng partisipasyon ni Medel sa krimen ay tiyak na madi-diskuwalipika ito para tumayong state witness. (Ulat ni Gemma Amargo)