Ang naarestong suspect ay nakilalang si Simon Aviles, 18 anyos, binata at nakatira sa 2614 Interior 33, Pasig Line, Sta. Ana. Maynila.
Ang mga nilooban naman ng suspect na nagharap ng reklamo sa kanya sa WPD-Station 6 ay nakilalang sina Lilibeth Lipneca, 35 anyos, computer operator; Jose Andrada, 44, OFW at Norma dela Peña, 28 anyos na pawang nakatira sa 2541 Interior 33, Pasig Line.
Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-12:10 ng madaling araw habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay si SPO1 Marfi Ulang ng makita nitong parang bumababa na si Spiderman ang suspect mula sa bintana ng bahay gamit ang isang mahabang lubid.
Nang sitahin ni Ulang ang suspect ay natuklasan nitong pawang mga alahas at cash na nagkakahalaga ng P100,000 ang nakalagay sa puting kumot na dala nito kaya kaagad niyang inaresto.
Nagising naman ang mga biktima nang oras na iyon hanggang sa matuklasan na nawawala ang kanilang mga alahas, kagamitan at cash.
Walang magawang alibi ang suspect matapos siyang mahuli sa akto ng pulis na bumababa mula sa bintana gamit ang mahabang lubid at tangay ang mga cash, kagamitan at alahas na kinuha nito mula sa mga biktima.
Nakapiit ang suspect sa WPD-Station 6 detention cell habang ipinagharap naman siya ng mga biktima ng kasong robbery. (Ulat ni Rudy Andal)