Batay sa isinumiteng pitong-pahinang counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) ni Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM) leader Supt. Rafael Cardeño, isa sa mga akusado sa krimen, may nalalaman umano si Saycon at Golez sa pagpatay kay Cervantes.
Tauhan umano nina Saycon at Golez si Cervantes kayat tiyak na may nalalaman ang mga ito sa naturang krimen.
Iginiit din nito sa kanyang counter-affidavit na isinumite sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Homobono Adaza na nakasaad sa report ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Nestorio Gualberto ang pagkakasangkot nina Golez at Saycon sa krimen.
Tinukoy nito ang umanoy pagpaplano para sa pagpatay kay Cervantes, subalit patuloy na itinatago naman sa kamay ng DOJ ang Gualberto report.
Iginiit pa ni Cardeño sa DOJ na dapat lamang isumite sa prosekusyon ang naturang ulat ni Gualberto upang hindi siya mapagkaitan ng hustisya.
Hiniling nito sa DOJ na magpalabas ng subpoena laban kay Gualberto para ilabas ang mga dokumento at testimonya na magdidiin at magsisiwalat ng katotohanan hinggil sa pagkakasangkot nina Golez at Saycon sa krimen.
Sinabi ni Cardeño na ito lamang ang tuluyang lilinis sa kanyang pangalan dahil wala siyang nalalaman sa ibinibintang na pagpatay kay Cervantes.
Matatandaan na bukod kay Cardeño ay kasama rin sa mga kinasuhan ng Philippine National Police (PNP) sina Marine Sgt. Joseph Mostrales, Jaime Centeno at Erlindo Torres.
Sina Mostrales, Centeno at Torres ay pawang mga naaresto at nagnanais na tumayong state witness laban kay Cardeño na siya umanong nag-utos na patayin si Cervantes.
Matatandaang pinatay si Cervantes noong Disyembre 31, 2001 sa Las Piñas dahil sa umanoy nalalaman nito na planong rebelyon ng RAM laban sa pamahalaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. (Ulat ni Gemma Amargo)