^

Metro

Kasong kriminal, administratibo sa 11 opisyal ng Manila City Hall

-
Labing-isang opisyal ng Manila City Hall ang inirekomendang makasuhan ng administratibo at kriminal kaugnay ng pagkakadiskubre ng Commission on Audit (COA) na pineke ng pamahalaang-lokal ang ilang papeles at nilabag ang ilang probisyon ng COA at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga transaksyon nito noong taong 2000 at 2001.

Ito ang lumitaw sa pagsusuring ginawa ng COA special task force to review and/or audit contracts involving infrastructure projects and purchases of supplies, materials and equipment of local government units in Metro Manila na pinamumunuan nina Aida Maria Talavera at Isabel Agito.

Kaugnay nito ay inirekomenda rin ng COA ang paghaharap ng kaukulang kaso laban kina Liberty Toledo, acting city treasurer; Gloria Quilantang, officer-in-charge (OIC) city accountant; Ma. Carolina Esquela, executive assistant V of the Office of the Mayor; Emmanuel Sison, secretary to the mayor; Ricardo David, city general services office (CGSO) inspector; Jame Valencia, OIC of the CGSO; Alicia Moscaya, assistant department head III; Cheryl Guirnalda, requisitioner at CCM member; Magdiwang Recato, OIC, city engineer’s office at Ernesto Leano, engineer V.

Lumitaw sa audit findings na nilabag umano nina Toledo at Quilantang ang BIR regulations nang hindi nila ibinawas o ipina-withhold ang kaukulang taxes sa purchases ng mga goods and services.

Kung hindi mababayaran ng mga concerned suppliers at contractors ang mga taxes na nauukol sa kanilang benta na umaabot sa P2.6 milyon, ito ay magiging pagkalugi sa bahagi ng pamahalaang Maynila, ayon sa COA.

Hindi pinaniwalaan ng COA ang alegasyon nina Toledo at Quilantang na hindi nila alam ang ukol sa nasabing regulasyon sa dahilang nagawa nilang i-withhold ang tamang taxes sa ibang payments.

Si Esqueta naman ay nameke umano ng mga dokumento ukol sa pagbili ng 104 units ng Chariot Econocabs nang sabihin nitong sa RDAK Transport Equipment, Inc. lamang mabibili ang nasabing units at nang mag-isyu ito ng certificate of acceptance and use sa kabila ng hindi pa nade-deliver lahat ng units.

Pinalabas naman umano ni Sison na nasa kanilang posesyon na ang mga nasabing units sa pamamagitan ng isang memorandum samantalang ang mga miyembro ng committee on awards na kinabibilangan din ni Sison at nina Valencia, Toledo, Moscaya, Quilantang at Guirnalda ay nagawang ibigay ang kontrata sa RDAK gayong hindi ito exclusive distributor.

Ukol sa kontrata para sa construction ng deep wells na pinasok ng Korex Philippines sa halagang P3.4 milyon kada deep well, hindi umano ‘qualified’ lahat ng contractor na hawakan ang proyekto bukod pa sa pineke ang mga petsa ng pagkakakumpleto ng mga proyekto.

Samantala, nakita rin ng COA na ‘disadvantageous’ ang kontrata ng Mercury Drug Corporation sa dahilang ang lungsod ang nagbibigay ng space, tubig at kuryente ng libre.

"Instead of paying only for the cost of medicines and medical supplies, the city is spending for the utilities on top of its expenses for similar items in the operation of its own pharmacy," pahayag ng COA.

Sinabi pa na nilalabag ni Sison ang COA ruling sa pamamagitan ng pagpirma at pag-apruba sa disbursement vouchers, purchase orders at resolution ng committee on awards para kay Mayor Lito Atienza.

Nakita rin ng COA na hindi bababa sa limang delivery na nagkakahalaga ng P41 milyon ang nauna kaysa sa pagpapalabas ng purchase orders.

Sa ganitong paraan, walang maitatalang pagkaantala sa mga delivery ‘even as the items delivered automatically matched those being procured.’

May mga pagkakataon din umanong hindi nagsagawa ng pre-qualification or bidders "hence there were POs or contracts awarded to suppliers or contractors who have no business licenses and permits to operate. (Ulat ni Andi Garcia)

AIDA MARIA TALAVERA

ALICIA MOSCAYA

ANDI GARCIA

BUREAU OF INTERNAL REVENUE

CAROLINA ESQUELA

COA

QUILANTANG

SISON

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with