Habambuhay sa tanod na rapist

Hinatulan nang habambuhay na pagkabilanggo ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) ang isang barangay tanod na napatunayang nanghalay sa anak ng kanyang live-in-partner noong nakaraang taon sa Taguig, Metro Manila.

Ang hinatulan ay nakilalang si Jayson Tuazon, 57, ng Barangay Ibayo, Tipas, Taguig.

Kasabay nito, inatasan rin ni Judge Leili Acebo ng Pasig City Regional Trial Court Branch 163 ang akusado na bayaran ng halagang P175,000 bilang danyos ang biktima na itinago sa pangalang Annalyn, 26.

Sa ipinalabas na desisyon ni Acebo, binigyang importansiya nito ang testimonya ng biktima na isinalaysay sa korte hinggil sa panunutok sa kanya ng patalim ng kanyang amain bago tuluyang inilugso ang kanyang puri sa loob ng kanilang tahanan sa Taguig noong nakalipas na Marso 3 ng nagdaang taon.

Binalewala ng korte ang depensa ni Tuazon na dalawang taon umano silang magkasintahan ng biktima kung saan itinago lamang nila sa ina nito ang kanilang relasyon. Ikinatuwiran pa ni Tuazon na kaya lamang umano siya sinampahan ng kaso ng biktima ay dahil sa nabigo siya na regaluhan ito ng halagang P30,000 noong nakaraang kaarawan nito. Hindi naman ito pinaniwalaan ng korte dahil na rin sa mabibigat na ebidensiya laban dito na iniharap ng biktima. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments