Sa lungsod ng Caloocan City, isang 4-anyos na batang lalake ang iniulat na nalunod nang mahulog ito sa isang open manhole sa harap ng public school sa Bagong Silang, habang isa pang lalake ang nakitang lulutang-lutang malapit sa pumping station sa Barangay Concepcion sa Malabon City.
Ang dalawa ay kabilang sa pinakahuling bilang ng nasawi dahil sa monsoon rains dala ng bagyong si Gloria na nagdulot ng malakas at walang tigil na pag-ulan sa Metro Manila, Luzon at Southern Tagalog Region.
Hanggang sa kasalukuyan, marami pa ring mga pangunahing lansangan sa CAMANAVA area ang nananatiling lubog sa tubig-baha at ang pinakagrabe ay sa Malabon City na may 317 pamilya ang pansamantalang nanuluyan sa 12 evacuation centers.
Sa 21 namang barangay sa Malabon, 19 dito ay apektado ng baha.
Sa Valenzuela City, umaabot sa 214 pamilya ang inilikas at dinala sa 8 evacuation centers.
Tinatayang aabot sa 7,340 pamilya sa 28 barangay sa CAMANAVA area ang naapektuhan nang pagbaha. (Ulat ni Rose Tamayo)