Ayon kay Senator Loren Legarda, sa ilalim aniya ng bagong Dangerous Drugs Law na kilala rin sa tawag na Republic Act 9165, maaari nang arestuhin o ipaaresto ng mga school heads, supervisors at mga guro ang mga adik na estudyante at mga pinaghihinalaang gumagamit ng illegal na droga sa loob ng eskuwelahan o labas man nito.
"The arrest powers may be exercised even beyond the immediate vicinity of schools if they (officials) are in attendance at any school or class function in their capacity as (school) heads, supervisors and teachers," paliwanag pa ni Legarda.
Ayon pa sa batas, tungkulin aniya ng mga empleyado ng paaralan na ireport sa kanilang immediate supervisors o sa mga awtoridad ang sinuman na makikita ng mga ito na lumalabag sa batas laban sa droga sa loob ng eskuwelahan.
Ang sinumang empleyado na mapapatunayan aniyang nabigo na gampanan ang naturang tungkulin na ireport ang drug activities ay papatawan ng disciplinary action ng liderato ng paaralan.
Samantala, nakasaad din sa bagong batas na isasailalim sa random drug testing ang mga estudyante sa high school at kolehiyo, maging ito man ay pampubliko o pampribadong eskuwelahan.
Babalikatin naman ng gobyerno ang gastusin sa naturang random drug testing.
"We are confident these provisions would go a long way in curbing drug use and pushing in schools," wika ni Legarda na isa sa mga opisyal ng Citizens Drug Watch Foundation. (Ulat ni Rudy Andal)