Sa isinumiteng report kahapon ni P/Supt. Bayani de la Rea, Chief ng Regional Intelligence and Special Operations Office (RISOO) kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Edgar Aglipay, nabatid na matagumpay na narekober ang mga hinayjack na produkto gayundin ang delivery truck na pag-aari ng negosyanteng kinilalang si Darwin Hui.
Ang mga naarestong suspect ay nakilalang sina Norberto Yao, Danny Wood II, 23; Remedios Plen, 53; Renato Nesperos, 36; Raffy Dayot, 22; Sigfredo Caluda, 49, at Moises Chavez, 24, pawang ng Cainta, Rizal.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni de la Rea na ipinagbibili ang bultu-bulto ng mga Ovaltine sa mababang halaga sa Quiapo, Manila.
Agad na nagdispatsa ng mga tauhan ang RISOO sa pangunguna ni SPO1 Ernesto Peralta na nagpanggap na buyer kung saan nakipag-deal ito na bibili ng 450 kahon ng Ovaltine sa halagang P200,000.
Nagkasundo ang magkabilang panig na magkita sa kahabaan ng Aguila St. sa Quiapo, Manila dakong alas-6:30 ng gabi kung saan dumating ang isang closed van na may plakang UUG-312 na naglalaman ng naturang mga produkto.
Habang iniaabot ang naturang mga produkto ay nagpakilalang mga awtoridad sina Peralta at inaresto ang mga suspect. (Ulat ni Joy Cantos)