Hulyo 11 pista opisyal sa Valenzuela City

Iprinoklama ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Hulyo 11 bilang isang pista opisyal sa Valenzuela City kaugnay ng pagdiriwang ng ika-133 anibersaryo ng pagsilang ni Dr. Pio Valenzuela.

Ang siyudad ng Valenzuela ay hango sa pangalan ng yumaong bayani na isang pangunahing personalidad sa rebolusyon ng bansa laban sa pananakop ng mga Kastila. Si Valenzuela ang siyang nagtatag ng sangay ng Katipunan sa maraming lugar ng Morong at Bulacan.

Tumulong siya kay Emilio Jacinto sa pagtatatag ng diyaryo ng Katipunan, ang Kalayaan sa pamamagitan ng paggamit ng tipo ng Diario de Manila.

Si Valenzuela ang siyang nahirang na makipagkita kay Dr. Jose Rizal na noon ay nakapiit sa Dapitan para kumbinsihin itong sumuporta sa rebolusyon.

Naisagawa ito ni Valenzuela sa kabila ng paghihigpit noon ng mga Kastila sa pamamagitan ng pagsasama ng isang bulag na lalaki na kunwa ay magpapagamot kay Dr. Rizal.

Si Dr. Pio Valenzuela ay isinilang sa Polo, Bulacan noong Hulyo 11, 1869 at sumakabilang buhay noong Abril 6, 1956. (Ulat ni Lilia A. Tolentino)

Show comments