Sekyu patay sa limang holdaper

Binaril at napatay ng limang holdaper ang isang security guard makaraang holdapin ng mga ito ang gasolinahang binabantayan ng huli sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.

Namatay habang ginagamot sa Capitol Medical Center ang sekyu na si Rogelio Lawag, 35, bunga ng tama ng bala sa kanyang dibdib.

Samantalang, mabilis namang tumakas ang limang suspects.

Base sa ulat, naganap ang panghoholdap dakong alas-2 ng madaling-araw ng magpanggap na kostumer ang mga holdaper sa Shell Station sa Ma. Clara St. sa kanto ng Araneta Avenue na pag-aari ng isang Rita Ng.

Binanggit pa na nagpa-full tank ang mga suspect at ng makitang walang masyadong tao sa gasolinahan ay pinasok ng mga ito ang cashier at nilimas ang lahat ng kita.

Papatakas na ang mga suspect nang makita ang sekyu sa silya na natutulog at para hindi na makahabol ay pinaputukan ng isa sa mga suspect. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments