Trader nilooban bago pinatay

Isang 54-anyos na lalaki ang pinagnakawan at saka pinatay ng hindi nakikilalang suspect, kahapon sa Pandacan, Maynila.

Patay na nang idating sa Lourdes Hospital ang biktimang nakilalang si Eduardo Rosal, negosyante ng Macopa St., Kahilum 1 ng nabanggit na lugar bunga ng tinamong malalim na saksak sa kaliwang dibdib na tumagos sa puso.

Sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Virgo Villareal ng WPD-Homicide Section, naganap ang krimen sa loob mismo ng bahay ng biktima. Wala umanong nagawa ang kasamahan ng biktima nang itali ito na parang baboy at ipasok sa loob ng banyo.

Nagtangka umanong manlaban ang biktima kaya’t tinuluyan itong saksakin hanggang sa mapatay ng suspect.

Nilimas ng suspect ang lahat ng alahas at pera ng biktima bago tuluyang tumakas.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol dito. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments