3 miyembro ng Ativan gang hawak na ng PNP

Tatlo sa pitong pinaghahanap na miyembro ng notoryus na Ativang gang na sangkot sa pambibiktima ng mga dayuhan sa Metro Manila ay hawak na ngayon ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Sinabi ni PNP-CIDG chief P/Director Nestorio Gualberto, dalawa sa mga suspect ay nagpasyang sumuko bunga ng sobrang tensyon matapos na malathala sa mga pahayagan at mapanood sa mga telebisyon ang kanilang larawan.

Nauna nang nagpalabas ng P.4M reward ang PNP-CIDG o P200,000 bawat isa para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng pitong miyembro ng sindikato. Bagaman tumanggi si Gualberto na tukuyin kung sinong mga kasapi ng Ativan gang ang nasa kustodya na ng kanyang tanggapan ay pinaniniwalaang kabilang dito sina Gerardo Lazaro at Lourdes Crudo. Nabatid na naaresto ng PNP-CIDG ang isa pa sa mga suspect kahapon ng umaga bagaman ayaw pang ihayag ni Gualberto ang pagkakakilanlan ng suspect. Sinasabing isang nagngangalang Rocky Soriano na gumagamit ng alyas na Roberto Sambili ang itinuturong lider ng grupo. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments