P50-M ransom hingi ng kidnappers sa eredera ng CDO

Humingi ng P50 milyon ransom ang isang big-time kidnapping syndicate kapalit ng kalayaan ng dinukot na doktora na anak ng may-ari ng CDO Food Products sa Valenzuela City.

Ito ang nabatid kahapon sa report na nakarating sa tanggapan ni outgoing PNP chief P/Director Gen. Leandro Mendoza.

Kasabay nito, ayon kay Mendoza ay tukoy na nila ang grupong nasa likod ng pagdukot sa biktimang si Dr. Charmaine Ong, 30, isang dermatologist.

Si Ong ay tinangay ng tatlong armadong suspek sa harap ng skin clinic nito sa naturang lungsod kamakalawa.

Sinabi ni Mendoza na may tinututukan nang mga suspek ang National Anti-Kidnapping Task Force sa ilalim ng pamumuno ni P/Deputy Dir. Gen. Hermogenes Ebdane alinsunod na rin sa hawak ilang ‘lead’ sa kaso.

Gayunpaman, tumanggi nang magsiwalat ng dagdag na impormasyon si Mendoza upang hindi mabulilyaso ang isinagawang follow-up operations ng kanilang mga tauhan.

Magugunitang nasugatan di sa naturang abduction incident ang 37-anyos na driver ng biktima na kasamang kinaladkad ng mga suspek dala ang sasakyan nito ngunit inabandona rin sa may Caloocan City. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments