2 todas, 2 kritikal sa toxic fumes

Dalawa katao ang agad na nasawi habang nasa kritikal na kondisyon naman ang dalawa pa nang ma-suffocate sa toxic fumes na buhat sa nililinis na ‘waste depository’ o imbakan ng dumi ng shipping vessel kahapon sa Navotas.

Sa ulat ng Northern Police District Office (NPDO), dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang mga biktimang sina Edilberto Omega, 42, at Harold de Car, kapwa mga laborer ng Dagat-Dagatan, Navotas habang patuloy na nasa malubhang kalagayan ang mga kasamahan nitong sina Gregorio Flaviniano at Leonardo Biones, 50, ng Tonsuya, Malabon.

Naganap ang insidente sa loob ng nakadaong na barkong Alpine Rose na pag-aari ng Frabell Fishing Corp. sa North Bay Blvd. North (NBBN) ng nasabing bayan dakong alas-9:15 ng umaga.

Ayon sa isang saksing si Rene Boy Hernandez, kasamahan ng mga biktima, kasalukuyan nilang nililinis ang ilalim ng barko nang magawi ang isa sa kasamahan nila sa paglilinis ng waste depository.

Nang buksan ito ay bigla na lamang sumingaw ang napakabahong amoy hanggang sa isa-isang magbagsakan ang mga biktima habang si Hernandez, kasama ang ilang kasamahan ay mabilis na nakatakbo papataas ng barko kung kaya sila nakaligtas.

Nabatid na ang barko ay nabili ng nasabing kumpanya noong Mayo 14, 2002 galing South Korea at isinailalim sa repair upang gawing shipping vessel. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments