2 lola tiklo sa droga

Dalawang lola na hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot ang inaresto ng mga tauhan ng Western Police District (WPD) matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Nakilala ang mga dinakip na lola na sina Amalia Gonzales, 57 at Felicidad Valdez, 59, kapwa residente ng 911 Hermosa St., Tondo, Manila.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 ng hapon nang isagawa ang buy-bust operation sa isang iskinita sa Hermosa St.

Ang operasyon naman ay isinagawa matapos tumawag ang isang impormante sa pulisya tungkol sa talamak na bentahan ng shabu sa nasabing lugar at isa sa runner ng dalawang lola ay nakilala lamang sa alyas na Wanatoy.

Nabigong madakip sa operasyon si Wanatoy, samantalang nasamsam naman sa dalawang nadakip na lola ang mahigit sa 40 gramo ng shabu. Ang mga ito ay nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments