Patuloy na hinahanap ng kanyang mga pamilya at maging ng mga awtoridad ang biktima na si Arcel Castillo, anak nina Arnel at Celia Castillo, matapos tangayin ng suspect na nakilalang si Rustom Nebras, ng 733 Porbenir St., ng nasabing lugar.
Ang suspect na bagamat agad na naaresto at inamin na tinangay niya ang bata ay tumanggi namang amining ipinagbili niya o ipinasa sa mga sindikato ang biktima.
Sinabi ng suspect na ibinigay niya ang bata sa isang grupo ng kalalakihan na pawang naka-uniporme, subalit hindi matukoy kung ang mga ito ay tauhan ng pulisya o militar.
Gayunman, malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng kasabwat ang dinakip na lolo sa isang sindikatong nagbebenta ng mga bata at ang mga pahayag nito ay pagliligaw lamang sa isinasagawang imbestigasyon.
Samanta mistulang tuta ang ginawa ng isang lolo sa kanyang 3-anyos na apo na tinalian niya ng kable ng kuryente sa leeg at saka kinaladkad sa lansangan makaraang tumanggi ang huli na umigib, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Ang biktima na itinago sa pangalang Jun ay sinamahan ng kanyang lola na si Genoveva Gonzales, 60, para pormal na ireklamo ang suspect na si Eduardo Gonzales, house painter at naninirahan sa 3 Matapang St., Barangay Central, Quezon City.
Batay sa salaysay ng saksing si Marlyn Dizon, manugang ni Genoveva, dakong alas-3 ng hapon ng dumating ang lolo ng biktima na lango sa alak at nakitang naglalaro ang paslit na apo.
Tinawag nito ang bata at nagpatulong na mag-igib ng tubig, gayunman tumanggi ang paslit at sinabing naglalaro siya.
Nagalit ang suspect at kinuha ang may isang metrong haba ng kurdon ng kuryente na itinali sa leeg ng bata at saka ito kinaladkad sa lansangan.
Natigil lamang ang pagmamalupit sa bata nang mamagitan na ang mga nakasaksing kapitbahay.
Nagtamo ang paslit ng maraming pasa at sugat sa katawan dahil sa pagkaladkad sa kanya ng kanyang lolo.
Kasalukuyan namang nakapiit sa himpilan ng pulisya ang suspect na sinampahan ng kasong child abuse. (Ulat nina Ellen Fernando at Jhay Mejias)