Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni Makati City chief, Supt. Jovito Gutierrez positibong kinilala ng kanyang mga kaanak at kasamahan sa Korean Embassy ang labi ni Young Ho Chung, 47, ng Rits Tower Condominium sa Ayala Avenue, Makati City sa isang morgue sa San Mateo, Rizal.
Si Chung ay nauna nang iniulat na nawawala simula pa noong nakalipas na Hunyo 6, 2002.
Kinabukasan nakita ng isang Sylvia Nana Diego ang bangkay nito sa may Marikina Heights, Marikina City. Hindi naman agad nabatid na ito ay si Chung dahil sa walang nakuhang anumang pagkakakilanlan dito.
Hanggang sa lumabas na kamakalawa sa mga pahayagan ang pagkawala ng Koreano at saka lamang na-trace na ito nga ang nakuhang bangkay.
Bagamat walang external injuries na tinamo ang biktima, malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng atake sa puso o suffocation ang ikinamatay nito. Ito marahil ay bunga naman sa ipinainom ditong droga ng grupo ng kalalakihan na miyembro ng Ativan Gang na siyang bumiktima sa naturang Korean diplomat.
Magugunitang bago nawala ang biktima nakita itong kasama ang isang lalaki na nagyaya dito nang inuman.
Nabatid na maaaring ang bumiktima sa Koreano ay ang grupo ng Ativan gang na kumikilos sa naturang lugar at ang target ng operasyon ay mga dayuhan.
Maaari umanong namatay ang dayuhan sa pag-inom ng droga at itinapon na lang ng mga suspect sa malayong lugar para iligaw ang mga awtoridad. (Ulat ni Lordeth Bonilla)