Bukod dito, isa katao ang iniulat na nasugatan sa naganap na sunog.
Base sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Caloocan City ang natupok ng apoy ay ang Comlife Furnitures na pag-aari ng isang Grace See at ang CPI motors na nasa Tullahan Road, Sta. Quiteria ng nabanggit na lungsod.
Samantala, kasalukuyan namang ginagamot ang sugatang si Vicente Gerardo, 36, stay-in worker sa CPI motors na nagtamo ng 2nd degree burn sa kaliwang hita matapos mabagsakan ng ilang kagamitang nasusunog.
Base sa ulat, pasado alas-9:55 ng umaga ng maganap ang sunog sa isang bahagi ng kinukumpuning bodega sa Comlife furnitures.
Nabatid na kasalukuyang nagwe-welding ang ilang trabahador nang bigla na lamang sumiklab ang apoy sa isang sofa na umanoy natalsikan ng welding rod na kung saan ay mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing muwebles.
Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang CPI motors.
Tumagal ng mahigit sa dalawang oras ang sunog na tumupok sa tinatayang P10 milyong halaga ng mga ari-arian. (Ulat ni Rose Tamayo)