Bagamat sang-ayon si Pasinos sa hangarin ng alkalde ng Maynila na maayos ang kapakanan ng mga pulis-Maynila kayat isinailalim ang mga ito sa neurological test ay kailangan pa rin umanong malaman ang tunay na dahilan kung bakit bumagsak ang mga ito sa nasabing pagsusulit.
Matatandaan na 213 pulis-Maynila ang sumabak sa pagsusulit sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) mula noong Enero hanggang Mayo ng taong kasalukuyan subalit 42 lamang sa mga ito ang pumasa.
Nabatid na kabilang sa mga bumagsak ay mismong tatlong mataas na opisyal ng WPD subalit hindi na binanggit ang mga pangalan upang hindi malagay sa kahihiyan.
Aminado si Pasinos na isang malaking sampal sa hanay ng kapulisan ang pagbagsak ng mga pulis sa nasabing eksaminasyon subalit iginiit nito na dapat ay mga lisensiyadong psychologists ang sumuri sa mga pulis.
Idinagdag pa ni Pasinos na dapat lamang na bigyan ng ikalawang pagkakataon ang mga pulis upang sumailalim sa neuro test na isasagawa ng mga lisensiyadong psychologists upang malaman ang pagkakaiba.
Posible rin umanong iilan na lamang ang matitira sakaling sibakin ang mga bumagsak sa neuro at sa huli ay lalong madagdagan ang bilang ng mga kriminal.
Samantala, muling sasailalim sa re-orientation ang mga pulis na hindi nakapasa partikular na sa pag-aaral ng mga city ordinances, laws and landmarks dahil karamihan umano sa mga ito ay mga bagong salta lamang sa Maynila at hindi pa masyadong pamilyar sa mga lugar sa lungsod.
Gayunpaman, hinamon naman ng ilang pulis-Maynila si Atienza na libutin ang mga bawat sulok ng Maynila upang malaman kung kabisado ng alkalde ang mga lugar sa lungsod. (Ulat ni Ellen Fernando)