Ang kasong reckless imprudence resulting to homicide ay iniharap ng pamunuan ng Southern Police District Office (SPDO) sa Pasay Prosecutors Office kahapon ng hapon matapos ang ginawang konsultasyon ng SPD police investigators at mga private prosecutors.
Kabilang sa mga kinasuhan ay si Supt. Eduardo dela Cerna, sinibak na Pasay police chief at 20 pa nitong tauhan.
Gayundin ang 8 security guard ng Philtranco na sinibak na rin ng pangasiwaan ng naturang bus company.
Nag-ugat ang kaso matapos pumalpak ang operasyon sa naganap na pangho-hostage kay Dexter sa bus terminal ng Philtranco noong Biyernes.
Magugunitang bukod sa 13 saksak na tinamo ng biktimang paslit sa kamay ng hostage taker na si Talvo ay nagtamo rin ito ng apat na tama ng bala ng baril sa katawan, isa dito ay tumagos sa puso na sinasabing siyang sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Nilinaw naman ni Senior Supt. Leonardo Espina, PNP spokesman na hindi ang 29 na akusadong personalidad ang nagpaputok sa nasawi, kasabay nang pagsasabing kinasuhan ang mga ito dahil sa nandoon sila nang maganap ang insidente.(Ulat nina Joy Cantos at Lordeth Bonilla)