2 holdaper todas sa shootout

Dalawang hinihinalang holdaper ang nasawi habang dalawa pa ang malubhang nasugatan kabilang na ang isang pulis sa isang shootout kahapon ng madaling araw sa Malabon City.

Kinilala ni Supt. Pete Ramos, hepe ng Malabon City Police ang sugatang biktima na si PO1 Reynaldo Gabatin at ang suspek na si Albert Aduan na nilalapatan ng lunas sa Tondo General Hospital.

Hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng dalawang napaslang na holdaper.

Lumilitaw sa imbestigasyon na naganap ang palitan ng putok dakong alas-3 ng madaling araw kahapon sa loob ng Kids and Moms convenience store sa panulukan ng Gov. Pascual Ave. at Rivera st., Brgy. Acacia.

Nilooban ang nabanggit na convinience store kaya’t agad na humingi ng police assistance ang empleado nito .

Agad na dumating sa nasabing lugar ang grupo nina Gabatin, PO2 Christopher Rodriguez, at PO2 Redentor Mantala Jr..

Agad na pinaputukan ng mga suspek ang dumating na mga awtoridad kaya’t napilitan ang mga ito na gumanti ng putok.

Makaraan ang ilang minutong palitan ng putok ay dalawa sa mga suspek ang agad na namatay habang sugatan naman si Gabatin at ang isa pang suspek na si Aduan.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang .38 caliber revolver, homemade shotgun at limang live bullets.

Nabatid sa empleado ng convinience store na ang mga napaslang na suspek ay siya ring nangholdap sa nabanggit na establisimiyento noong Mayo 26. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments