Bala pumatay kay Dexter?

May posibilidad na isa sa apat na tama ng bala ng baril ang agarang kumitil sa buhay ng batang si Dexter Balala, 4, sa naganap na hostage tragedy noong Biyernes ng madaling araw sa isang bus terminal sa Pasay City.

Ito ay matapos na lumabas ang autopsy report na nagpatunay na isa sa apat na bala na tumama sa bata ay naglagos sa puso nito.

Magugunitang bukod dito, nagtamo rin ng 13 saksak sa katawan ang bata sa kamay naman ng hostage taker na nakilalang si Deomides Talbo, ng San Mateo, Isabela.

Kasabay nito, isasailalim sa masusing imbestigasyon ang may 19 na pulis-Pasay na nagresponde sa hostage incident.

Sakaling mapatunayang nagkaroon ng kapabayaan ang mga ito ay mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at murder.

Nakatakda din silang isailalim sa paraffin at ballistic test kaugnay sa naganap na palpak na operasyon na nagresulta sa trahedya. Kabilang sa mga sasailalim sa imbestigasyon ang sinibak na mga Pasay City police na si Superintendent Eduardo dela Cerna; isang Inspector Altera; PO2 Jonald Castro; PO2 Renato Liano, kapwa ng SWAT; PO2 Ashley Gamulo; PO2 Raymund Jabino; PO1 Jaylay Martinez; PO1 Ronald Garcia; PO1 Domingo Lamdang; pawang nakadestino sa Motorcycle Unit; PO1 Lemuel Galang; PO1 Christopher Torres at PO3 Rodolfo Saquina.

Sa kabilang dako, tiniyak ni NCRPO chief Director Edgardo Aglipay na makakamit ng pamilya Balala ang katarungan para kay Dexter. Wala umanong magaganap na whitewash sa gagawing imbestigasyon sa kaso.

Labis naman ang pagngingitngit ng pamilya ng nasawing paslit lalo’t nalaman nila na may apat na tama ng bala ng baril ang bata.

"Noong una hindi ko sila masisi kasi alam kong hindi sila makakilos dahil hawak ng lalaki ang anak ko, pero nang malaman ko sa doktor na may tama ng bala ang anak ko at iyon pa yata ang dahilan ng agaran nitong kamatayan dapat lamang silang managot," pahayag ni Salvacion Balala, 28, ina ni Dexter.

Magugunita na nauna nang sinibak sa puwesto si Supt. dela Cerna na nakatakda na sanang magretiro sa susunod na buwan.

Nalaman pa rin sa isang mapagkakatiwalaang impormante na bago nagresponde ang mga pulis sa hostage incident nanggaling umano ang ilan sa mga ito sa isang KTV club na matatagpuan sa Roxas Boulevard ng nabanggit na lungsod.

Labis ang pagngangalit ng publiko sa nasaksihang hostage drama dahil umano sa hayagang pagpapabaya at kawalan ng kasanayan ng mga pulis Pasay sa ganoong sitwasyon.

Ipapatawag ni Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) chairman Dante Lantin ang pamunuan ng Philtranco para pagpaliwanagin sa naganap na hostage tragedy sa kanilang terminal.

Kinuwestiyon ni Lantin kung bakit nakapasok sa loob ng terminal ang suspect na may dalang patalim gayung marami silang security guard na nakapalibot dito.

Gayunman, una nang ipinarating ng Philtranco management sa LTFRB na pinagpapaliwanag na rin nila ang hepe ng kanilang security kaugnay sa naganap na insidente.(Ulat nina Joy Cantos,Lordeth Bonilla at Angie dela Cruz)

Show comments