Nabatid sa ulat na naganap ang insidente sa passenger parking area sa arrival curb side kung saan pansamantalang nag-park ng sasakyan si Inspector Moises Espinola, ng PNP-ASG 2nd Regional Aviation Security Office upang hintayin ang kaibigan ng kanyang asawa na may sakit buhat sa Saudi Arabia dakong alas-9:15 ng umaga.
Habang naghihintay, nilapitan umano ito ng isang security guard na inutusan umano ni Cpl. Ablan ng Airport Police Dept. at sinabing alisin doon ang sasakyan.
Nagpaliwanag naman si Espinola na susunduin lamang niya ang kaibigan ng kanyang misis na kailangan niyang alalayan dahil hindi na makalakad.
Bumaba naman si Cpl. Ablan na noon ay nakasakay sa isang mobile car at nilapitan si Lt. Espinola at pilit na pinaaalis. Nagpakilala naman si Espinola kay Ablan na isa rin siyang opisyal ng PNP at nakiusap na bigyan siya ng sapat na oras dahil sa ang kanyang susunduin ay may karamdaman.
Gayunman, hindi pa rin siya pinagbigyan ni Ablan hanggang sa dumating sa puntong magpalitan na ang mga ito nang maaanghang na salita.
Nagalit si Ablan at itinulak si Espinola sa tiyan na bagong opera hanggang sa kapwa na magbunutan ng kanilang mga baril.
Naawat naman ang dalawa sa tulong ng mga dumating na PNP-ASG at Airport Police.
Samantala, iniutos naman ni Gen. Mike Hinlo, assistant general manager for security services ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente. (Ulat ni Butch Quejada)