Kinilala ni P/Sr. Supt. Benjarde Mantele, hepe ng Caloocan City police ang mga biktima na sina Michael Moiquida, Vicente Friolo, Rowel Arsenio, John Kambal at isang Apolinario Agbing na pawang mga security guards ng Heshem Security Agency at nakatalaga sa kontrobersyal na lupain ni Greggy Araneta sa Pangarap Village sa nabanggit na siyudad.
Ayon kay Mantele, kasalukuyan na nilang pinaghahanap ang mga responsable na nagawang makatakas matapos ang ginawang pagpapasabog.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na bandang alas-12 ng hatinggabi nangyari ang insidente nang kasalukuyang nagbabantay sa guard post sa harapan ng gate one ng Pangarap Village, Camarin ang mga biktima.
Bigla na lamang umanong sumambulat ang isang granada na malubhang ikinasugat ng mga ito dahil sa matinding tama ng mga shrapnel sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.
Base na rin sa inisyal na imbestigasyon, isang MK-11 fragmentation grenade ang ginamit ng mga suspek kung saan nakikitang motibo ay bilang paghihiganti sa mga security guards na nanguna sa pagdemolis ng libu-libong mga kabahayan sa nabanggit na lugar. (Ulat ni Rose Tamayo)