Sa naging kautusan ni Executive Judge Jansen Rodriguez ng Parañaque City Metropolitan Trial Court, Branch 78, tatlong bilanggo ang pinalaya nito na nakilalang sina Iscolastico Lubreo, Daniel Tapalia at Gabriel Aguilar, pawang mga pinagbintangang lumabag sa Presidential Decree No. 89 o illegal possession of bladed weapon.
Mariing mino-monitor ng hukuman ng Parañaque City Jail upang malaman ang mga bilanggong karapat-dapat palayain na walang kasalanan.
Ang hakbangin ni Judge Rodriguez ay upang isulong ang makataong serbisyo sa mga bilanggo at maibsan ang matinding pagsisikip sa mga bilangguan na nagiging sanhi ng pagkalat ng ibat ibang uri ng sakit.
Sinabi ng naturang hukom na tao rin ang mga bilanggo at hindi sila dapat ituring na hayop.
Sa lahat ng korte sa buong bansa, pinangungunahan ng sala ni Rodriguez ang naturang programa.
Bukod sa masosolusyunan ang decongestion, makatitipid aniya ang gobyerno dahil malaking kabawasan ito sa budget na inilalaan sa mga bilangguan. (Lordeth Bonilla)