Kaugnay nito, agad namang ipinag-utos ni Acting NCR director Chief Supt. Rowland Albano ang pagsasagawa ng agarang summary dismissal proceedings laban sa dinakip na si Superintendent Jesse Balanay, 51, ng 25 Kamias St., Pembo, Fort Bonifacio, Makati City.
Si Balanay na nakadestino sa Regional Intelligence and Investigation Committee (RIIC) ay nagtangka pang tumakas lulan ng kanyang kotse matapos mapakiramdaman ang entrapment operation na isinagawa laban sa kanya.
Gayunman, hindi siya nakalusot sa mga alertong tauhan ng CISU na humarang sa kanya sa may East Avenue, Pinyahan Road sa Quezon City, dakong alas-2:15 ng hapon.
Ayon kay Chief Inspector Arnold Aguilar, na ang entrapment operation ay bunsod ng reklamong iniharap ng negosyanteng si Brenda Ortiz, 40.
Nabatid na si Balanay ang hearing officer sa kasong administratibo na iniharap ni Ortiz laban sa apat na pulis.
Dahil dito, nangako umano si Balanay na magiging pabor kay Ortiz ang desisyon sakaling magbigay siya ng halagang P10,000 at isang Nokia 6210.
Nagharap naman ng sumbong si Ortiz sa CISU na siyang naghanda ng entrapment operation laban sa colonel.
Narekober sa kotse nito ang P10,000 marked money.
Sa kabila nito, itinanggi ni Balanay ang paratang sa kanya kasabay nang pagsasabing negatibo siya sa ultra-violet sa eksaminasyon na isinagawa ng NBI na nangangahulugan na hindi niya hinawakan ang marked money.
Ipinag-utos naman ni Albano na pigilan sa NCRPO headquarters si Balanay para hindi nito matakot si Ortiz. Kasabay nito ay iniharap na ang kasong robbery-extortion laban sa nabanggit na police colonel.(Non Alquitran at Jhay Mejias)