Rambol ng senglot, 2 todas

Dalawa ang iniulat na nasawi, samantalang dalawa pa ang malubhang nasugatan sa naganap na rambol sa isang inuman, kahapon ng madaling araw sa Parañaque City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Jimmy Espoleta, 24, binata at Eduardo Vidal, 34, taxi driver, kapwa residente ng Ilog Palanyag, Barangay San Dionisio ng nabanggit na lungsod. Ang dalawa ay namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen sanhi ng mga saksak na tinamo sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Samantala, nakilala naman ang mga sugatan na sina alyas Dondie at Jhun.

Inaalam pa ng pulisya kung sino ang mga suspect na responsable sa pananaksak sa mga biktima.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:15 ng madaling araw sa Ilog Palanyag, Barangay San Dionisio ng naturang lungsod.

Napag-alaman na masaya pang nag-iinuman ang grupo nang sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang nagtalo-talo.

Ang pagtatalo ay nauwi sa rambol at saksakan hanggang sa makita nang nakabulagta at duguan ang mga biktima.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang insidente. (Lordeth Bonilla)

Show comments