Iniutos ni Taguig Mayor Sigfrido Tinga ang agarang pagpapatalsik kay Robert White, casual employee ng General Service Office matapos maiulat na positibo itong gumagamit ng shabu.
Samantala, 12 pang kawani ng Taguig Municipal Office ang sinuspinde ng anim-na-buwan, pansamantalang hindi muna pinangalanan ang mga ito habang inoobserbahan.
Subalit ang mga ito ay walang tatanggaping sahod matapos mapatunayan na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Nabatid na nagsasagawa ng sorpresang pagda-drug test sa mga empleyado simula pa noong Nobyembre 2001.
Pababalikin ang mga nasuspindeng kawani makalipas ang 6 na buwan subalit kailangan pa rin na sumailalim muli sa drug test.
Kapag sa ikalawang pagkakataon ay muli silang positibo sa droga, hindi na sila makababalik sa trabaho.
Isinagawa ni Municipal Administrator Wilfredo C. Villar ang drug test sa lahat ng kawani ng naturang bayan alinsunod sa probisyon ng Municipal Resolution #278 Series of 2001 na ipinasa ni Councilor Henry Duenas Jr., na miyembro ng Taguig Anti-Drug Abuse Council (TADAC). (Lordeth Bonilla)