Pulis-Pasay patay sa ambus

Dead-on-the-spot ang isang pulis ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) makaraang tambangan at pagbabarilin ng dalawang hindi nakikilalang kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Kinilala ni P/Supt. Eddie dela Cerna, hepe ng Pasay City Police, ang biktimang si SPO1 Roberto Despi, 21, may asawa, ng #2554 M. dela Cruz St., Pasay City.

Samantala, tumakas ang hindi nakilalang mga suspect matapos na paslangin ang biktima sa magkahiwalay na direksyon sa Protacio Ext. at M. dela Cruz Sts. ng nasabing lungsod.

Base sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi habang nakasakay umano sa scooter na kulay dilaw ang biktima.

Sinabi ng ilang nakasaksi, agad na pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakilalang lalaki na nakasuot ng helmet ang biktima sa kahabaan ng Protacio Ext. at M. dela Cruz ng nabanggit na lugar.(Lordeth Bonilla)

Show comments