Kontrata ng MWSS sa 2 private firms bubusisiin

Iimbestigahan ng House Committee on Government Enterprises and Privatization ang kontratang pinasok ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa dalawang private concessionaires ng tubig upang malaman kung may katwiran ang pagtataas ng singil sa tubig sa Metro Manila.

Ang dalawang private water concessionaires ay ang Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) na pag-aari ng pamilya Lopez at ang Manila Water ng Ayala Corporation.

Ang imbestigasyon ay base sa House Resolution 227 at 261 na inihain nina Rep. Ma. Theresa Defensor (Quezon City) at Party List Rep. Loretta Ann Rosales (Akbayan).

Sa kanilang resolusyon, binanggit ni Defensor ang pagkakagarantiya ng pamahalaan sa kahilingan ng Maynilad na magtaas ng P4.21 per cubic meter ng tubig simula pa noong Oktubre 20, 2001.

Idinahilan naman ng Maynilad na ang bumagsak na halaga ng piso laban sa dolyar ang pangunahing dahilan kung bakit nila inihain ang petisyon.

Sa pagpabor ng pamahalaan sa kahilingang increase ng Maynilad, sinabi ni Defensor na tila nakalimutan na ng gobyerno na protektahan ang mga consumers.

Kinuwestiyon din ni Defensor ang pagbibigay ng pahintulot sa Maynilad na paigsiin ang orihinal na "20-year recovery of foreign exchange losses" sa loob lamang ng 14 na buwan na nakapaloob sa inamyendahang kontrata. (Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments