Saleslady tumangging magpahatid sa manliligaw, sinaksak

Isang 30-anyos na saleslady ang nasa kritikal na kondisyon matapos itong saksakin ng kanyang manliligaw na nagalit dahil sa pagtanggi ng una na siya ay ihatid kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Kasalukuyang ginagamot sa Valenzuela District Hospital sanhi ng isang saksak sa likod ang biktimang si Rosemarie Artusilla, ng Maysan Road, Valenzuela.

Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang suspect na si Dante Bacalla, 28, na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang pananaksak.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:45 ng gabi ng maganap ang insidente sa may 103 Interior Maysan habang ang biktima ay papauwi na sa kanilang bahay.

Bigla na lamang sumulpot ang suspect at inalok ang biktima na ihahatid sa kanilang bahay subalit tumanggi ang huli dahilan upang magalit ang suspect.

Sa sobrang galit ay agad itong bumunot ng patalim at sinaksak ang biktima sa likuran. (Gemma Amargo)

Show comments