Ex-PCSO consultant pinaaaresto sa kasong libelo

Iniutos kahapon ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang pag-aresto kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) consultant Roberto Rivero na nahaharap ngayon sa kasong libelo na isinampa laban sa kanya ng isang opisyal ng DZMM.

Ito ang nabatid matapos na magpalabas ng warrant of arrest si QCRTC Judge Severino de Castro Jr., ng Branch 82.

Inirekomenda naman ni Assistant City Prosecutor David Mirando Jr., ang piyansang P10,000 para sa pansamantalang paglaya ni Rivero.

Ang naturang kaso ay isinampa ni Angelo Palmones, station manager ng DZMM matapos umano siyang isangkot ni Rivero na isa sa mga miyembro ng media na tumanggap ng payola mula sa PCSO.

Sa mga artikulong lumabas sa iba’t ibang pahayagan, sinabi ni Rivero na siya mismo ang nagbigay ng payola sa mga piling miyembro ng media kabilang si Palmones.

Sinabi naman ni Palmones na malisyoso ang naturang artikulo dahil walang katotohanan ang mga alegasyon ni Rivero kasabay nito ay pinabulaanan ni Palmones na tumanggap siya ng pera buhat kay Rivero.

Samantala, sa resolusyon ni Fiscal Mirando, napatunayan nito na may sapat na ebidensiya upang isampa sa korte ang kaso laban kay Rivero. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments