Prinisinta ni CPD director Chief Superintendent Rodolfo Tor sa isinagawang press conference ang mga nadakip na kidnappers na sina Efren Posas, 26; ang tiyahin nitong si Irene Gaciola, 50; pinsang si Elmer Grana, 21; Renato Morfe, 35, driver at Ireneo Acoma, 39.
Pinaghahanap pa ng pulisya ang sinasabing utak sa krimen na isa umanong pulis na kinilala lamang sa bansag na "Serge" at ang iba pang galamay nito na sina Geraldo Amado, alyas Edgar/Gerry; Roselo Morfe, alyas Otek; Al Morfe; Cesar Amado; Allan Celebre; Zosimo Zabala at Edoy Trota.
Ang mga suspect na pawang magkakamag-anak ay buhat sa Leyte at Tacloban City ay sinasabing responsable sa pagdukot sa negosyanteng si Orlando Uy, 33 at sa pamangkin nito na si Mark Dagdag, 21, kapwa residente ng 73 Simoun St., Brgy. Sto. Domingo, Quezon City.
Ang mga biktima ay dinukot noong Abril 26 dakong alas-4:45 ng madaling araw sa tapat ng kanilang tahanan sa Quezon City habang sakay ng isang Mitsubishi L300 van nang harangin at puwersahang dalhin ng grupo ng mga suspect na dinala sa kanilang safehouse sa Montalban, Rizal.
Nakipag-ugnayan ang mga suspect sa pamilya ng mga biktima at humihingi ng halagang P1.5 milyong ransom.
Tanging P.8M lamang ang naibayad ng mga kaanak ng dalawang biktima na tinanggap naman ng mga suspect kaya napalaya ang dalawa noong nakalipas na Mayo 4 ng hatinggabi.
Matapos mapalaya agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at nadakip ang lima sa mga suspect. Tanging P43,000 na bahagi ng ibinayad na ransom ang nabawi ng mga awtoridad sa mga nadakip na kidnappers.(Ulat ni Angie dela Cruz)