Sa ginanap na press conference kahapon sa Camp Aguinaldo, kinilala ni Lt. Gen. Narciso Abaya, deputy chief of staff at acting AFP spokesman ang biktima na si Dental Technician (DT) 3rd class David Edward Spencer.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng AFP kung may kinalaman ang mga terorista at ang mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa pag-atake sa nasabing US sailor.
Sinabi ni Abaya na ang insidente ay naganap dakong alas-12:25 ng madaling araw habang ang biktima at ilan pa nitong mga kasamahang security personnel ng Estados Unidos ay nagbabantay sa USS Fort McHenry na nakadaong sa Pier 13.
Idinagdag pa nito, na bigla na lamang umanong umatake ang hindi pa nakikilalang salarin buhat sa dilim at sinaksak ang biktima.
Si Spencer na nagtamo ng saksak sa baba at leeg ay mabilis na isinugod sa Manila Doctors Hospital na ngayon ay idineklara na nasa ligtas nang kalagayan.
Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa para matugis ang suspect. (Ulat ni Joy Cantos)